Monday, March 25, 2013

Kape, Sisig, Yosi at Ikaw


Kape 

We started over coffee, sabi ng isang kanta. At doon nga tayo nagsimula – sa kape. Niyaya mo akong magkape isang hapon. Over cappuccino, nagkuwentuhan tayo. Kung anu-ano lang. Mababaw. Malalim. May kwenta. Wala. Hindi pa ubos ang kape ko pero sabi ko, kailangan ko na umalis. Alam mo bang gumawa lang ako ng excuse para madala ko iyong cup ng tall cappuccino kung saan may nakasulat na pangalan mo? Kasi, itatago ko siya, bilang memento ng una nating pagkakape. Pakiramdam ko kasi, magiging significant sa buhay ko ang araw na iyon.

Hindi nga ako nagkamali.

Nasundan pa ng maraming beses ang pagkakape natin. Hindi ko na nga mabilang sa dami. Madalas, kahit nakapag-kape na ako, kapag nag-yaya kang mag Starbucks, papayag agad ako. Kaya may mga araw na napaparami ako ng kape. Mga araw na hyper ako at walang kapaguran. Mga araw na hindi ako puwedeng gulatin, baka atake sa puso ang aabutin ko. Mga araw na parang may kabayong tumatakbo sa dibdib ko, although baka dahil lang din iyun sa presensiya mo. Mga gabing hindi ako makatulog dahil nasobrahan ako ng kape, at nasobrahan sa iyo.


Sisig

Pork sisig ang inorder ko the first time we had lunch together. At unang beses pa lang kitang nakasama, nasaksihan ko na kung paano ka mag-alaga. Marami na akong nakasabay na mag-lunch pero sa iyo, doon ko lang uli naramdaman na inaasikaso at pinagsisilbihan. Saka, kahit na maraming tao doon sa restaurant na pinagkainan natin, parang tayong dalawa lang ang nandoon.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses ako umorder ng sisig tuwing magkasama tayo. Sisig sa lunch, sisig sa dinner, sisig din ang pulutan kapag nag-iinuman tayo. Sisig nga din ang hinanda ko noong unang beses kitang pinagluto, di ba?

Marami na akong natikman na sisig, pero iyong unang beses na nag-lunch tayo, iyun na yata ang pinakamasarap na sisig na natikman ko.


Yosi

Matagal ko na tinigil ang yosi pero noong makita kitang magyosi noong nag-kape tayo, humingi ako sa iyo. Ang sarap kasi pagsabayin ng yosi at kape. They complement each other.

Kaya sa tuwing magkasama nga tayo, napapayosi na rin ako. At hindi ko na namalayan, bumabalik na naman ako sa addiction ko sa sigarilyo.

Naalala mo iyong isang beses na naiwan mo ang yosi mo sa bahay? Dinala ko ang yosi mo sa opisina. Nagulat ang mga officemates ko noong nakita nilang may isang kaha ako ng yosi. Bakit daw ako nagyoyosi uli. Sinabi ko na yosi mo iyun, inuubos ko lang kasi sayang.

Humirit iyong isa, “Hindi ko yata gusto yang lalakeng iyan para sa iyo… He’s bad for your health.” Hindi ako nakasagot.

Ikaw

Parang eksena sa pelikula kung paano tayo pinagtagpo ng tadhana. Nakakatawa nga eh, nagbabasa ako ng “When God writes your love story” habang may nakasaksak na earphones sa tenga ko noong pag-angat ko ng mukha, nakita kitang dumaan sa harap ko. Nagkatinginan tayo ng ilang segundo pero nilampasan mo lang ako at patuloy ka sa paglakad mo. Ilang hakbang na ang layo mo noong lumingon ka sa akin. Ngumiti ako sa iyo at nilapitan mo ako. Doon na nagsimula ang lahat.

Dumating ka sa buhay ko ng hindi ko inaasahan. Pero sa padating mo, kasabay noon ang pagbago ng mundo ko. Sa kabila ng pagiging abala ko sa maraming bagay, pagdating sa iyo, nasisira lahat ng plano ko. Hindi ko na napapansin ang oras kapag magkasama tayo. At napupuna ko na lang, lagi na kitang hinahahap. Parang hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi kita nakikita. At kahit na lagi kitang nakakasama, mawala ka lang sandali sa tabi ko, miss na agad kita.

Lahat na ng kabaduyan, pumapasok sa isip ko kapag naaalala kita.

Mahal na nga yata kita.

Kahit hindi tama.

**************
How can something so wrong feel so right? Iyan ang tanong ko noong minsang matutulog na ako at nakayakap ka sa akin. Mali ito, oo. Pero bakit parang ang sarap-sarap matulog at magising na kayakap ka? It felt so good it seemed right…

Oo, masaya tayo kapag magkasama. Pinapadama mo naman sa akin na mahalaga ako sa iyo. Dalawang beses mo na rin sinabing mahal mo ako pero hindi ko pa rin alam kung hanggang saan tayo makakarating.

Ayaw mo ng commitment hindi ba? Malinaw ang usapan natin sa simula pa lang. Sinabi mo kasi, ayaw mo makasakit ng ibang tao. Kaya okay na iyong ganito. Hindi mo nga lang alam, nasasaktan mo na rin ako. Kasi, unti-unti na akong nahuhulog sa iyo, kahit hindi ko alam kung ano ang lugar ko sa buhay mo.

Bakit kasi kailangan pa maging komplikado ang sitwasyon natin?

**************
Bakit kaya kahit alam natin na nakakasama sa atin ang isang bagay, tinutuloy pa rin natin? Marami ang may gusto ng sisig, kahit na “bad for the heart.” Nakaka-cancer ang pagyoyosi, at nakaka-palpitate ang kape, pero na-a-adik pa rin tayo dito. Bakit? Kasi iba ang pakiramdam na nabibigay ng yosi at kape. Iba ang saya ng dulot ng pagkain ng sisig. Kaya kahit masama, kahit alam natin sisingilin tayo ng katawan natin sa panandaliang kaligayahan na iyon, tinutuloy pa rin natin. Kasi sa kasalukuyan, masaya tayo.

Parang ikaw… alam ko na hindi ka nakakabuti sa akin. Alam ko na in the long run, masasaktan lang ako sa iyo. Pero bakit habang maaga pa, hindi ako umiiwas? Kasi sa ngayon, napapasaya mo ako. Napupunan mo ang ilang taong pagkukulang sa buhay ko. At pinapadama mo sa akin ang mga bagay na akala ko noon, hindi na darating sa akin.

Ikaw ang sisig, yosi at kape ng buhay ko. Hindi ko maiwas-iwasan, hindi ko kayang tanggihan, kahit na alam ko na iisa lang naman ang patutunguhan nito – sakit sa puso. 
- Obra ni Noringai ng Peyups...

No comments:

Post a Comment