Kung tatanungin ako ng Diyos kung gaano kita minahal, ang isasagot ko, sampung beses na higit pa sa nararapat. Minahal kita hindi dahil pakiramdam ko lang tama, pero dahil ginusto ko yung naramdaman ko at walang kung ano pa man.
Minsan mo na akong tinanong kung pinagsisisihan kong nakilala kita. Sinabi ko hindi. Ngayon na nga siguro ang araw na kinatatakutan ko. Dahil kapag tinanong mo ulit sa akin yan, alam kong oo na ang isasagot ko. Sa lahat kasi ng nangyari sa buhay ko, ikaw lang ang gusto kong burahin. Wala ng iba.
Alam kong tama na tong ginagawa ko ngayon. Tama ng mawala ka sa buhay ko. Dahil alam kong wala ng pag-asa yang sinasabi mong pagkakaibigan natin. Tanga lang ako na minsan kong inisip na yun ang pinanghahawakan ko pero hindi pala. Dahil pinili mo pa rin akong saktan kahit alam mong dapat naging isa kang kaibigan.
Nung mga panahong ikaw at ikaw lang ang kailangan ko, hindi man lang kita mahanap. At kahit alam kong alam mo yon, pinili mong tiisin ako. Ngayon hindi na ko umaasang nandyan ka pa, dahil simula palang nang-iwan ka na.
Itinapon ko na rin ang lahat ng kasinungalingang sinabi mo na ang masakit ay pinaniwalaan ko. Nang sinabi mong importante ako sa yo at hindi mo kayang wala ako, kagaguhan lang yon. Siguro napilitan ka lang sabihin yon, o di kaya, sinadya mo para paasahin ako.Ngayon, lahat ng binitawan mong salita, wala ng halaga. Simple lang ang rason: dahil wala ka ring kwenta.
Wala na rin akong pakialam kung nagustuhan mo man ako o hindi. Ang importante, nagbigay ako ng buong buo at ni minsan ay hindi humingi ng kahit anong kapalit. Kahit papano, naturuan mo akong maging matatag. Natuto na rin akong tumigil sa paghahabol at pag-iyak sa taong manhid na tulad mo.
Siguro nga nasira mo na ang lahat sa akin. Ang paninindigan ko, tapang at paniniwala ko, pati ang katauhan ko, pero kaya kong ibangon ang sarili ko at mabuhay ng wala ka. Ako pa rin to. Oras at araw lang ang nagbago.
Ngayon na ang huling beses na sasabihin ko ito sa yo. Ngayon na ang huling pagkakataon na iisipin kita. Lahat ng bagay na dumaan, burado na. Pati buhay ko, bago na. Ngayon na ang huling oras na mamahalin kita. Ngayon na ang tamang oras para sa lahat, para malaman mo kung gaano mo ako sinaktan. Tapos na yon lahat ngayon. Ito na ang huling araw ng paghihirap…Tama na, tapos na. Pero sa huling araw na ito, isa lang ang sigurado ako.
Hindi ito ang huling araw na sinabi ko lahat to.
— by nSeNsiTiV(peyups.com)
No comments:
Post a Comment